Marso 21, 2008 +Anarkiya vs. Baphomet+
“Hindi maaring umiral ang ganyang ugaling anarkiya sa ating bansa” -Patalastas ng MMDA sa radyo
Ang kalayaan ay isang konseptong inaabuso sa panahon natin ngayon. Ang respeto – isang napakahalagang bagay sa kultura ng ating lahi (lalo na noong sinaunang panahon) ay unti-unti na ring nawawala habang inaanod ang Inang Bayan sa maalon na dagat ng sari-saring ideolohiya.
Mayroong dalawang bagay na nais ipahiwatig ang komiks na ito: Una, ay talagang NAPAKAINIT na ng panahon at ni hindi ako makatagal ng tatlong minutong nauulila sa piling ng mahal kong Standard 3d electric fan. Ayaw na ayaw ko talaga ng tag-init. Tila ba’y pinepenitensyahan ako ng araw ng biglang nasira ang electric fan ko kanina at napilitan akong magpaypay habang gumuguhit. Habang naliligo ako sa sarili kong pawis kanina, sinabi ko na lang sa sarili kong “Ayos lang yan…training lang to para sa impyerno..at least sanay ka nang matusta para pag dating mo dun, tila ba purgatoryo na lamang ang impyerno para sayo.” At Oo…ganoon kasabaw ang takbo ng isip ko
Ikalawa: Hindi ko na mabibilang kung ilang beses tumutilili sa tenga ko ang pangungusap na “DEMOKRASYA! PRIDOM OF SPEECH! KALAYAAN NG DIWA” at (hango nga sa dila ng mga Amerikano:) MALAYANG BANSA ITO!. Kadalasan nga’y di tayo sumusunod sa mga pinapanukalang batas ng pamahalaan kahit na makatarungan naman ang mga ito. Halimbawa na lamang, ilang Pilipino ba ang sumusunod sa pagtawid sa pedestrian lanes? sa loading and unloading areas? sa NO PARKING ?(putakteng mga kapitbahay namin, bara ng bara sa garahe namin ng mga pangit nilang sasakyan). Ilang skwater na ang nagtatayo ng mga barong-barong nila sa mga kalye? Ilang lalake ang umiihi sa mga posteng “BAWAL UMIHE DINE”?
Nakalulungkot na ng madurog ang brutal na diktador na tumayo sa gitna ng arkipelagong ito noon ay unti-unti na ring naglaho ang disiplina ng mga mamamayan. Ito ang ANARKIYA – kawalan ng sinusunod na sentralisadong gobyerno. Ngunit sa totoo nama’y may gobyernong namumuno sa Inang bayan, ngunit bakit may ugaling anarkiya pa rin ang mga mamamayan? Hindi dahilan ang: E magulo naman ang gobyerno kaya di din sumusunod ang mga tao.
Isang malaking kahibangan ang pagtataguyod ng Anarkiya dahil sa gulong politikong umiiral sa ating bansa sapagkat ikababagsak lamang ito ng bansa. Wala na sa oras ang pagsuway ng mga mamamayan sa gobyerno. Kaya’t nga’t di ko maiwasang maisip na minsa’y mas maigi pa talaga ang magkaroon ng kamay-bakal na pangulo – disiplinado ang mga mamamayan, kinikilala ang awtoridad ng pamahalaan, sumusunod sa batas, at higit sa lahat MARESPETO.
